MASAMA ANG EPEKTO | DOH, nagbabala sa Hindi Tamang Pag-inom ng mga Anti-Biotics

Manila, Philippines – Nagbabala ngayon ang Department of Health kaugnay sa hindi tamang paggamit o wala sa oras na pag-inom ng mga anti biotics.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay nagdudulot ng masamang apekto sa kalusugan at lumilikha ng anti-microbial resistance at maaaring hindi na tumalab sa katawan ng tao at hayop.

Ito rin aniya ay seryosong suliranin, lalo na at nakokompromiso ang paggamot sa mga infectious disease at magpapawalang-saysay sa mga natutuklasang medisina para sa mga tao at maging sa mga hayop man.


Ginawa ni Duque ang pahayag sa katatapos lamang na 2nd Philippines AMR Summit kung saan magkakasama ang DOH, Department of Agriculture, World Health Organization, Food and Agriculture Organization at World Organization for Animal Health.

Ayon sa kalihim, hindi lamang ang kalusugan ng tao ang nalalagay sa panganib kundi maging ang health security, kalakalan, ekonomiya at kalikasan.

Kasunod nito hinimok ni Duque ang pamunuan ng Bureau of Animal Industry na mag-akda ng panukalang batas kaugnay sa tamang pagrereseta ng mga antibiotic sa mga hayop sa Pilipinas.

Facebook Comments