Hindi napigilan magalit ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso habang nagtatanggal ng umano’y graffiti sa Bonifacio Shrine.
Sa bidyong ibinahagi ng Manila Public Information Office, Lunes ng umaga, makikitang nahihirapan siyang kuskusin ito kahit buhusan pa ng maraming cleaning solution.
Giit ng alkalde, mas gusto ng mga militante maging abala sila sa paglilinis kaysa pagbibigay ng trabaho, bahay, at gamot sa mga mahihirap.
“Masaya kayo? Ikinalulugod ninyo ito?” pasaring ni Moreno.
Dagdag ng opisyal, pera ng taumbayan ang ginagamit nila para makabili ng mga panlinis.
Buwelta pa ni Moreno sa makakaliwang grupo, mapupunta lamang sa pagtatanggal ng bandalismo ang pondong nakalaan sana sa pampublikong serbisyo.
“’Di ba pinaglalaban niyo, mahirap? Sino gumagamit ng pampublikong ospital, ‘di ba mahirap? Sino ang makikinabang sa pabahay, ‘di ba mahirap?” hirit pa niya.
“Ito po mga mahirap naming kababayan, binobola nila kayo o ginagamit lang kayo nila para sa political goal nila. Gumising kayo, mga kababayan,” saad pa ng pinuno.
Ayon sa alkalde, may ibang paraan sa paglalabas ng hinanakit laban sa gobyerno pero hindi tamang mag-vandal sa pampublikong lugar.
Matatandaang inako ng grupong Panday Sining na sila ang nasa likod ng bandalismo sa Lagunislad Underpass.