Nagbabala si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa iba’t ibang uri ng magnanakaw na laganap sa lipunan, partikular ang mga nasa gobyerno na umaagaw sa mga oportunidad na dapat ay napupunta sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino.
Sa video na ibinahagi sa iPing channel sa YouTube at opisyal na Facebook page ng mambabatas, tinukoy ni Lacson ang dalawang uri ng mga magnanakaw na aniya’y may malaking kaibahan sa dahilan ng paggawa nila ng krimen—una, ang mga magnanakaw sa kalsada, at pangalawa ang mga matatakaw na kawatan.
“Mayroong magnanakaw sa kalsada, ito ‘yung mga tao na dala ng pangangailangan ay napipilitang magnakaw. Ang pinakamasamang uri ng magnanakaw, ‘yung hindi dahil sa pangangailangan, kundi dahil sa katakawan,” sabi ni Lascon, habang ipinapakita sa video ang mga larawan ng mga nahuli niyang kriminal noong aktibo pa sa serbisyo bilang pulis.
“‘Yung pagnanakaw dahil sa pangangailangan, pwede pang tulungan para magreporma, bigyan ng kapatawaran. Pero ‘yung nagnanakaw hindi dahil sa nangangailangan kundi dahil sa katakawan, ‘yun ang napakahirap patawarin,” aniya.
“Magkawala na kayo! Hindi kayo nararapat mapabilang sa ating lipunan!” sabi pa ni Lacson na ipinapangakong uubusin niya ang mga magnanakaw, lalo na sa gobyerno kung siya ang pipiliin ng taumbayan upang maging susunod na pangulo.
Napatunayan na ito ni Lacson sa mahaba niyang karanasan bilang senador. Naging mabusisi ang batikang mambabatas sa mga detalye kung saan nagagastos ang pera ng bayan, at dahil sa kanyang istriktong pagbabantay, umabot sa P300 bilyon ang nasagip niya sa pondo ng bansa na posibleng napunta na sa maanomalyang proyekto.
Sa ilalim naman ng panunungkulan ni Lacson bilang pinuno ng Philippine National Police, bumaba ang krimen, tumino ang mga tiwaling pulis at naging panatag muli ang publiko sa mga alagad ng batas dahil sa ipinatupad niyang disiplina gamit ang sarili bilang ehemplo.
Kabilang sa kanyang mga naisaayos ay ang kalusugan ng mga pulis, kung saan naging patakaran niya ang pagpapaliit ng kanilang mga tiyan at dapat ay hindi lalagpas ng 34 inches ang sukat ng kanilang mga bewang upang mas mabilis silang makagalaw at makaresponde sa mga krimen.
Nawala rin ang reklamo ng ilang mga biyahero at motorista sa pangongotong at naibalik sa mga tunay na may-ari ang mga kinarnap na sasakyan na bago ang pamumuno ni Lacson ay personal na ginagamit ng mga tiwaling pulis matapos marekober.
Resulta nito, tumaas ang popularity at trust ratings ng PNP sa antas na hindi na natapatan ng mga sumunod na namuno sa institusyon.
Si Lacson ay tumatakbong Presidente sa Halalan 2022 tangan ang mensaheng ‘aayusin ang gobyerno, uubusin ang magnanakaw.’