Walang mangyayaring mass repatriation sa mga Pilipino kabilang na ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Iran at Israel.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng nasabing dalawang bansa.
Sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na sa ngayon ay wala pang Pinoy na nagpapahiwatig na gustong bumalik sa Pilipinas.
Gayunpaman, nakahanda naman ang mga contingency plan ng embahada katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Handa naman sila at palagi naman silang handa sa mga posibilidad kasi there’s always precaution, alam naman nila yun, pati naman nung Oktubre nung nagkaroon ng giyera eh kukonti lang ang umuwi, wala pang 200 o 300 ang umuwi, so ang dati lang bibigyan ng advisory ng ating embahada doon, so precaution and follow kung ano ang gusto ng authorities ng mga local authorities, alam niyo nag-stay rin ako sa Israel, na-assign ako dun, yung mga kababayan natin dun desidido talaga sila na maiwan dun, hindi sila aalis maliban kung talagang giyera yung parang sa Sudan o sa Gaza ngayon, sa tingin ko hindi magkakaroon ng mass repatriation dyan”.
Dagdag pa ni De Vega, nakatakda silang maglabas ngayong araw ng advisory na “non-essential travel” para sa mga nais pumunta sa Iran at Israel.
Wala rin aniyang dahilan para itaas ang alerto sa dalawang bansa.
“Ngayong araw dapat lalabas na hindi ban pero non-essential travel, ang advise lang na kapag non-essential travel eh hindi naman naming kayo pagbabawalan lumipad ng Israel o Iran pero kapag non-essential mas mabuti na huwag na, mayroon pa rin tayong alert level sa Israel yung alert level 2, yung walang bagong deployment na OFW, hindi mag-po-process ang DMW ng bagong kontrata na matagal na itong alert level 2 pero hindi atin o wala pang sinasabi yung ambassador natin dun na i-adjust pa, so ganun din sa Iran, so hindi kailangan iadjust ang alert level pero kung hindi essential kunwari bakasyon lang ang payo ng gobyerno next time na lang kasi may situation pa ngayon”.
Batay sa talaan ng DFA, aabot sa 30,000 mga Pilipino ang nasa Israel habang 2,000 naman sa Iran.