Manila, Philippines – Naniniwala ang Department of Health na malulugi ang Pilipinas ng tinatayang 220 bilyong piso kada taon dahil sa mataas na bilang ng malnutrisyon sa mga kabataan.
Ito ang dahilan kung bakit inilunsad ng Department Of Health at National Nutrition Council katuwang ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development at UNICEF ang “Economic Consequences of Undernutrition in the Philippines” and the “2017 Global Nutrition Report”
Batay sa study on undernutrition, tinatayang 220 bilyong piso kada taon ang mawawala sa bansa dahil sa epekto ng mababang nutrisyon tulad ng pagiging lampa, anemia at kakulangan sa iodine.
Ang 220 bilyong piso ay katumbas umano ng 1.5 percent ng Gross Domestic Product ng Pilipinas noong 2015.
Nakasaad pa sa pag-aaral na maaaring matugunan ang naturang suliranin sa pamamagitan ng pamumuhunan sa nutrisyon.
Ayon kay UNICEF Philippines Representative Lotta Sylwander, dahil sa malnutrisyon ay nananakaw ang saligan ng mga kabataan sa kalusugan at karapatan na makaahon, umunlad at makamit ang sukdulan ng kanilang potensyal.
Kapag hindi aniya kaagad na natugunan ang suliranin na ito ay mananatiling naisasantabi sa lipunan ang mga batang ito na may mababang performance sa eskuwela at mababang productivity sa Society sa kanilang pagtanda.