Mataas na opisyal ng NPA, huli sa quarantine checkpoint sa Cadiz, Negros Occidental

Naaresto ang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) nang pinagsanib na pwersa ng Cadiz City Police Station at 79th Infantry Brigade ng Philippine Army sa Brgy. Caduhaan, Cadiz City, Negros Occidental.

Ayon kay Cadiz Chief of Police Police Lieutenant Colonel Robert Mansueto, ang naarestong opisyal ng CPP-NPA ay kinilalang si Gaspar Davao, alias “Aldong”, 55-anyos at residente ng Sitio Biernesan, Brgy. Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental.

Si Davao ang isa sa mga lider ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) at Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP) Negros Chapter at umano’y White Area Secretary ng North Negros Front SECOM TABACCO/Finance Officer.


Sinabi ni Mansueto, nagmamando sila ng quarantine control points sa lugar nang mapansin nila ang suspek na sakay ng public utility van na hindi nakasuot ng mask.

Nang sitahin ang suspek, naglabas ito ng granada at binantaan ang mga pulis ngunit agad din itong inaresto.

Narekober sa suspek ang isang fragmentation grenade, mga mahahalagang dokumento, ₱14, 000 cash, walong cellular phones at isang sling bag.

Ayon naman kay Western Visayas Regional Director Police Brigadier General Rene P. Pamuspusan, dahil sa pagkakaaresto ni Davao, umaasa silang makakuha ng impormasyon tungkol sa iba pang mga lider ng komunista sa lugar.

Facebook Comments