Hiniling ni AGRI PL Rep. Wilbert Lee sa kaukulang komite sa Kamara na imbestigahan ang biglaan at labis na pagtaas sa presyo ng kamatis.
Sa inihaing House Resolution number 2158 ay sinabi ni Lee na layunin ng imbestigasyon na matukoy ang epekto sa ekonomiya ng hindi makatwirang presyo ng kamatis bukod sa dagdag pahirap ito sa mga mamimili at mga magsasaka.
Hinala ni Lee, maaaring may kinalaman dito ang mga nagmamanipula ng presyo, hoarders at kartel na posibleng nagpapalutang ng “artificial tomato crisis.”
Binanggit sa resolusyon na base sa datos ng Department of Agriculture (DA), ang medium-sized na kamatis sa Kalakhang Maynila ay tumaas sa ₱100 kada kilo mula ₱20 at may mga palengke na ₱360 ang presyo nito kada kilo.
Tinukoy din sa resolusyon ang Nueva Ecija kung saan nagkaroon ng kakulangan sa supply ng kamatis.