Mahalaga para kay AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na matugunan ang lahat ng mga isyu o problemang inilatag ng mga tsuper at operator ng pampasaherong jeep kaugnay sa implementasyon ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.
Paliwanag ni Lee, ang sektor ng transportasyon ay hindi lamang uri ng serbisyo sa publiko kundi kabuhayan din ng napakarami nating kababayan kaya tiyak marami ang maaapektuhan ang hindi matutugunan ang kanilang apela hinggil sa program.
Pangunahin dito ang mataas na presyo ng modern jeepneys na umaabot sa P1.6 hanggang P2.3 million na hindi kayang hulugan ng mga operator at mga tsuper na kumikita lamang ng P600 hanggang P750 kada araw.
Nangangamba si Lee na kung hindi ito mareresolba ay malulubog ang mga driver at operator sa utang sa pagkuha ng bagong unit.
Giit ni Lee, gawing patas at makatao ang paying scheme sa pagbili ng bagong jeep at gawin ito sa mas mahabang panahon na maaring mula sampu hanggang 17 taon na maaring isailalim muna sa subsidiya ng gobyerno.
Iminungkahi rin ni Lee na huwag pilitin ang mga driver at operator na ayaw maging bahagi ng kooperatiba.
Para kay Lee, mahalaga rin na mapanatili ang iconic design ng traditional jeepney dahil nakatatak na ito bilang bahagi ng ating kultura at pagkakakilanlan.