Manila, Philippines – Pasado na sa House Committee on Women and Gender Equality ang House Bill 5768 o ang panukala para sa pagtatatag ng Maternal and Infant Health Home Visiting Program.
Layunin ng panukala ang pagbibigay ng maternity care services sa mga tahanan partikular sa mga inang kabilang sa marginalized sector.
Ang mga ina na makakatanggap ng maternal services ay mga nasa edad na hindi hihigit sa 21 taong gulang habang ang infant care services ay mga sanggol na may edad isang taong gulang at nabibilang sa pamilyang may low-income bracket.
Makakatanggap ang mga benepisyaryo ng maternal at child-health services tulad ng iba’t-ibang counseling sa pangangalaga ng sanggol, prenatal care, childbirth at motherhood, general family counseling at family development.
Tinukoy sa komite na isa sa malubhang social problem sa bansa ang teenage pregnancy na galing sa mahihirap na pamilya.