Zamboanga – Aabot sa tumataginting na P12 Million pesos ang ginastos sa pagpapagawa ng tulay sa Zamboanga City kung saan bumagsak ang mga kongresista na sina Zamboanga City Rep. Celso Lobregat, Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez at Zamboanga City Mayor Beng Climaco.
Ayon kay Benitez, ang milyones na tulay na kahoy ang magiging sentro ng imbestigasyon ng kanyang komite.
Dagdag pa sa sisiyasatin ang pabahay ng NHA sa Zamboanga City na gawa sa kahoy
kung saan ito naman ay aabot sa 220,000 na kakaunti lamang ang ibinaba ng presyo sa 240,000 na isang unit na pabahay na gawa sa semento.
Iimbitahan at pagpapaliwanagin ang NHA at DPWH sa Zamboanga City na nakaupo noong nakaraang administrasyon at ang mga kasalukuyang opisyal kung bakit pinayagang magtayo ng tulay at pabahay na gawa sa kahoy na aniya’y delikado para sa mga residente.
Sinabi ni Benitez na pareho lamang ang kahoy na ginamit sa tulay at sa pinanggawa din sa mga bahay na maaari ding bumagsak kalaunan.
Pagbalik ng sesyon ay agad silang magpapatawag ng pagdinig tungkol sa substandard na pabahay at tulay sa Zamboanga City.