Cauayan City, Isabela- “Matitigas ang ulo ng mga tao at ayaw sumunod sa alituntunin”, ito ang tahasang naging obserbasyon ni Mayor Jay Diaz ng City of Ilagan sa harap ng mga kapitan ng barangay makaraang lumobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay Diaz, titiyakin ng lokal na pamahalaan na mapapanagot ang mahuhuling lalabag sa ipinapatupad na polisiya laban sa COVID-19.
Sinabi pa ng alkalde na pang siyam (9) na beses na nitong magbibigay ng paalala sa kanyang mga kababayan kung kaya’t hindi na niya hahayaan pang madagdagan pa ang mga kaso ng tinatamaan ng virus.
Inatasan din ng opisyal ang mga opisyal ng barangay na magkaroon ng isang entry at exit point sa kanilang lugar at mag-isyu ng quarantine pass kung sakaling lalabas para bumili ng pangunahing pangangailangan nila.
Bukod dito, 55 barangay na ang apektado ng pagkalat ng COVID-19 sa siyudad.
Samantala, magtatagal ang pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod hanggang katapusan ng buwan ng Oktubre.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tuloy-tuloy na ayuda sa lahat ng pamilya ngayong ipinapatupad ang ECQ.