Matrix ukol sa estado ng OFWs na nakatakdang pauwiin sa bansa, pinapasumite ng Senado sa DOLE

Pinagsusumite ni Senator Richard Gordon ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng matrix na naglalaman ng impormasyon ukol sa estado ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nakatakdang pauwiin sa bansa.

Sabi ni Gordon, kailangan ang nabanggit na matrix para sa kanilang deliberasyon sa panukalang pondo ng DOLE sa susunod na taon.

Hiniling ito ni Gordon sa DOLE makaraang mabatid na mahigit 60,000 OFWs pa ang pauwi sa Pilipinas.


Sabi ni Gordon, dapat maidetalye sa matrix ang dahilan ng pagbalik sa bansa ng OFWs.

Paliwanag ni Gordon, ito ay para matukoy ang problema at mahanapan ng paraan kung paano matutugunan sa ilalim ng pondong ilalaan sa DOLE.

Ayon naman kay Senator Joel Villanueva, na syang nagdi-depensa sa pondo ng DOLE, karamihan sa mga umuwing OFW ay nawalan ng trabaho, nag-expire o hindi na-renew ang kontrata habang ang iba ay minaltrato.

Binanggit din ni Villanueva na ngayon ay nasa 785,448 OFWs na ang napauwi sa bansa simula ng pandemya.

Facebook Comments