Ipinagpatuloy ni Mayor Arth Bryan Celeste ang programang Binyagang Bayan sa Alaminos City na naglalayong mabigyan ng pagkakataong makatanggap ng sakramento ng binyag ang mga batang hindi pa nabibinyagan.
Sa pinakahuling pagdaraos nito kahapon, Nobyembre 10, 2026, nasa 111 kabataan at sanggol ang tumanggap ng sakramento sa pamamagitan ng programang pinangungunahan ng City Civil Registry Office.
Ang Binyagang Bayan ay isang taunang programa na sinimulan pa noong panahon ng panunungkulan ng ama ng alkalde na si dating Mayor at ngayo’y First District Congressman Arthur Celeste.
Mula nang maupo si Mayor Arth Bryan Celeste noong 2019, ipinagpatuloy niya ang programa bilang bahagi ng mga serbisyong panlipunan ng lokal na pamahalaan.
Batay sa mga naitalang pagdaraos, isinagawa ang Binyagang Bayan noong 2019, 2023, 2024, 2025 at 2026.
Sa edisyon noong 2025, umabot sa 121 indibidwal mula sa 108 pamilya ang nabinyagan, habang mahigit isandaang bata rin ang nakatanggap ng sakramento noong 2023 at 2024.
Samantala, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang programang ito upang matulungan ang mga pamilyang nais mabinyagan ang kanilang mga anak. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








