Mayor Atayde: “I think it’s not necessary para mag-ECQ kahit may Delta variant”

Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Luna, Isabela Mayor Jaime Atayde na patuloy ang pagsasagawa ng malawakang contact tracing sa kanilang bayan matapos makapagtala ng unang kaso ng nakamamatay na Delta variant.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atayde, hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng nasabing pasyente maging ang barangay na kinabibilangan nito.

Ayon sa opisyal, nakarekober na ang nasabing pasyente noon pang August 3 ng taong kasalukuyan base sa kanilang datos subalit kailangang malaman ang katauhan nito para makapagsimula ng susunod na hakbang at isailalim sa isolation ang mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.


Aniya, nasa kasalukuyang level 2 ang ginagawang contact tracing ng LGU kung saan inaasahang aabot sa level 3 ang hakbang na kanilang gagawin.

Para kay Atayde, hindi umano kailangan ang pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine sa harap ng may naitala ng kaso ng nakamamatay na COVID variant kundi ang kailangan lang umano ang magsagawa ng contact tracing at isolation.

Maigi umanong gawin ang iwasan ang pagdaraos ng mga social activities upang maiwasan ang posibleng hawaan.

Samantala, nasa higit 20% ng populasyon sa Luna ang mga naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.

Hiniling naman ni Mayor Atayde sa kanyang mga kababayan na huwag pangunahan ng panic dahil tinitiyak naman aniya ng LGU ang kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments