*Cauayan City, Isabela*- Nagbabala si City Mayor Bernard Dy sa publikong mananamantala sa mga hograisers dahil sa isyu ng African Swine Fever.
Ayon kay Dy, hindi siya mangingiming kasuhan ng ‘economic sabotage’ ang sinuman na mapapatunayang nagsamantala sa hograisers para ibenta sa mababang halaga ang mga alagang baboy.
Paliwanag pa ng alkalde na may mga sumbong ang kaniyang natatanggap dahil sa isyu ng sakit ng baboy.
Paglilinaw pa nito na wala pang kaso ng African Swine Fever sa lungsod kaya’t wala dapat ipangamba ang publiko sa pagkain ng karne ng baboy.
Mahigpit din aniya ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan para matiyak na walang makakapasok na karne ng baboy mula sa labas ng lungsod.
Nagpaalala rin ito sa publiko na ‘wag basta magpapaniwala sakaling may kumalat na isyu ukol sa sakit ng baboy sa social media dahil tanging LGU lang ang pagmumulan ng opisyal na pahayag kaugnay dito .