*Cauayan City, Isabela*- Hinikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ang publiko na maging aktibo sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga nakakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program na hindi naman karapat-dapat.
Ito ay matapos makatanggap ng samu’t saring reklamo ang tanggapan ni City Mayor Bernard Dy ukol dito.
Ayon kay Dy, batid nito na sa kabila ng mga reklamo ay may ilang nabigyan ng ayuda na hindi naman dapat sa tulong ng gobyerno dahil mas prayoridad ngayon ang mga walang mapagkukunan ng pang-araw araw na gastos sa kanilang pamilya.
Giit pa ng opisyal, kung sinuman ang mapatunayan na tumanggap ng nasabing ayuda na hindi karapat-dapat ay hindi na mabibigyan ng pangalawang pagbibigay ng tulong o blacklisted gayundin ay hindi na makakakuha ng kahit anong tulong sa gobyerno.
Kasabay nito, itinatag na ang ‘Sumbungan ng Bayan’ na siyang tutugon sa lahat ng reklamo ng taumbayan na pangungunahan ng binuong taskforce.
Ito ay upang mabantayan ang sinumang lalabag at mabigyan ng kaukulang aksyon ang bawat hinaing ng publiko sa kahit anumang uri ng reklamo gaya ng pagtanggap ng Social Amelioration Program, Relief Goods at hindi pagtanggap ng 25 kilos ng bigas mula sa Lokal na Pamahalaan.