Nilinaw ni Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Lopez Catacutan ang naging pahayag nito kamakailan hinggil sa pagtutol niyang gawing quarantine zone ang New Clark City.
Matatandaang kinuwestyon ng alkalde ang “last minute decision” ng Department of Health (DOH) na gamitin ang New Clark City bilang quarantine area ng mga Pilipinong iuuwi galing Wuhan City kung saan hindi umano sila kinonsulta.
Sa inilabas na official statement, sinabi ni Mayor Catacutan na inisyal na reaksyon lang niya ito bilang ama na nais protektahan ang kanyang pamilya at bilang alkalde ng kanilang bayan.
Kasunod na rin ito ng idinulot na panic ng mga biglaang balita at nakadagdag pa ang pagkalat ng fake news.
Nagdulot din aniya ito ng pag-aalala ng mga taga-Capas sa posibleng maging implikasyon nito sa imahe ng kanilang bayan at sa New Clark City lalo’t may mga isasagawa sanang mga event doon.
Sa huli, nagpaabot ng simpatya at dasal ang alkalde para sa kaligtasan at kalusugan ng mga repatriated OFW at handa aniya ang kanilang bayan para tumulong.