Mayor Isko sa nag-vandal sa Lagunislad Underpass: Buburahin niyo ‘to ng dila niyo

“Kapag nahuli ko kayo, padidila ko sa inyo ‘to. Buburahin niyo ‘to ng dila niyo,”

Ito ang tahasang sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagaso kaugnay sa bandalismong ginawa ng isang militanteng grupo sa Lagunislad underpass.

Matatandaang pinaganda at pininturahan ang nasabing tawiran ng mga tauhan Department of Engineering and Public Works ng Manila City Hall noong Sabado ng umaga.


“Ang ganda ganda na eh. Ang linis na. It took 15 years for that underpass to be attended. Nobody attended to that underpass,” giit ng alkalde.

Ayon sa opisyal, lumabag sa Anti-Vandalism Act of 2009 ang mga miyembro ng kilusan.

Sa ilalim ng nasabing batas, pagmumultahin mula P5,000 hanggang P10,000 at makukulong nang 30 araw hanggang isang taon ang sinumang napatunayang nagkasala.

“Kayo ang nambababoy eh. Hindi makatwiran ‘yan. We don’t deserve this. The people of Manila don’t deserve this,” saad pa ni Moreno.

Samantala, inako ng grupong Panday Sining, Martes ng hapon, ang naturang pangyayari.

Depensa ng mga militante, “graffiesta” ang tawag sa ginawa nila at hindi bandalismo o pambababoy.

Hirit pa ng leftist group sa publiko, mas dapat pinagtutuunan ng pansin ang mga isyung kinakaharap ngayon ng bansa kagaya ng kahirapan, korapsyon, at patayan.

“To the public: sorry for the inconvenience, but the matter and issues at hand are urgent. Left and right, ordinary people are being killed or jailed for criticizing this corrupt and fascist government,” bahagi ng mensahe ng Panday Sining.
Facebook Comments