Cauayan City, Isabela- “Stupid at Nonsense”
Ito ang tahasang inihayag ni Mayor Gabino Ganggangan ng Sadanga, Mt. Province hinggil sa naging mungkahi ni Sen. Franklin Drilon na alisin nalang ang milyon-milyong pondo sa 822 barangay sa ilalim ng NTF-ELCAC.
Sa panayam ng iFM Cauayan sa alkalde, anim(6) na barangay ang kabilang sa popondohan ng pamahalaan sa ilalim ng NTF-ELCAC upang gamitin sa pagtukoy sa ilang indibidwal o personalidad na hayagang sumusuporta umano sa leftlist group at iba pang maaaring paggamitan.
Ayon sa opisyal, kung aalisin man ang pondo ay kailangan umanong ipaliwanag kung saan posibleng gamitin ang sana’y pondo sa paglaban sa insurhensiya.
Tinukoy rin ni Ganggangan na ang Makabayan Bloc at Front Organization nito ang patuloy na nambibiktima umano ng mga mamamayan upang hikayating magrebelde sa gobyerno at sabihin umano sa kanila na pinababayaan sila ng pamahalaan.
Sinabi pa ng opisyal na wala na nga umanong naitutulong si Sen. Drilon para sa pagpapaunlad ng mga barangay ay mismong ito pa ang nagmungkahing tanggalan ng pondo ang barangay development project sa ilalim ng NTF-ELCAC.