Mayor Sara Duterte, nanguna sa OCTA presidential at vice presidential preference survey

Nangunguna si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa survey na isinagawa ng OCTA Research ukol sa susunod na Pangulong gustong iboto ng mga Pilipino.

Batay sa Presidential Preference Survey, nangunguna si Mayor Duterte na nasa 22%, kasunod si Senator Grace Poe na nasa 13%, kapwa nas pangatlong pwesto sina Senator Manny Pacquiao at dating Senador Bongbong Marcos na parehas mayroong 12%.

Nakakuha naman ng 11% si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, 6% si Senator Bong Go, 5% si Vice President Leni Robredo.


Nakakuha naman ng tig-3% sina Senate President Tito Sotto III at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.

Nakakuha naman ng dalawang porsyento sina dating Interior Secretary Mar Roxas, Senator Cynthia Villar, Senator Panfilo Lacson, habang nakakuha ng tig-isang porsyento sina Senator Sonny Angara, Pangulong Rodrigo Duterte, Sorsogon Governor Francis Escudero at Senator Richard Gordon.

Ang survey question ay: “Narito naman po ang listahan ng maaaring kumandidato sa pagka-Presidente ng Pilipinas sa Mayo 2022 eleksyon.  Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon at ang kandidatong ito ang tatakbo sa pagka-Presidente, sino sa kanila ang pinakamalamang na iboboto ninyo?  Maari po kayong pumili ng isa sa mga pangalan dito.”

Sa pagka-bise presidente, nangunguna pa rin Mayor Duterte na may 14%, kasunod sina Mayor Isko (11%), Sen. Pacquiao (11%), Sen. Poe (10%), Cong. Alan Cayetano (8%), Sen. Sotto (7%), BBM (6%), Sen. Go (6%), Gov. Escudero (5%), VP Robredo (5%), Sen. Villar (4%), Sen. Lacson (3%), Roxas (3%), Sen. Pia Cayetano (2%), Sen. Angara (1%), at Sen. Gordon (1%).

Ayon kay Ranjit Rye ng OCTA na inaasahang magbabago pa ang resulta kapag inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang opisyal na listahan ng mga kandidato sa 2022 elections.

Facebook Comments