Mayorya ng mga Pamilyang Pilipino, gumagastos ng P900 kada buwan para sa internet service na kailangan sa online distance learning – SWS Survey

Aabot sa 86-porsyento ng mga Pamilyang Pilipino na mayroong estudyanteng naka-enroll sa online distance learning ang gumagastos ng average na nasa ₱901 kada buwan bilang karagdagang gastos para sa internet connections.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa tatlong porsyento lamang ng mga Pamilyang Pilipino ang walang additional spending habang dalawang porsyento ang mayroong libreng internet.

Mataas ang gumagastos para sa internet connection sa Visayas (95%), at Mindanao (91%), kasunod ang Balance Luzon (86%) at Metro Manila (80%).


Ang average monthly spending sa internet sa Metro Manila ay nasa ₱1,032, kasunod ang Balance Luzon (₱958), Visayas (₱794), at Mindanao (₱677).

Lumabas din sa survey na 56% ng respondents ang gumagamit ng prepaid internet, 41% ang postpaid, at limang porsyento ang rumerenta o pumupunta sa internet shops.

Nasa 39% ang nagsasabing mayroon silang matatag na internet connection, 31% ang naghayag na mahina ang kanilang internet, habang 29% ang nagsabing sakto lang ang bilis ng kanilang internet.

Ang survey ay isinagawa mula November 21 hanggang 25, 2020 gamit ang face-to-face interviews sa 1,500 respondents sa buong bansa.

Sakop nito ang mga head of the family na may miyembrong may edad 5 hanggang 20-taong gulang na nag-aaral sa ilalim ng distance learning.

Facebook Comments