Kumbinsido si House Majority Leader Martin Romualdez na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pagganap nito sa tungkulin para maaprubahan ang mga legislative agenda ng administrasyon.
Ito’y makaraang magpulong sa Malakanyang noong nakaraang Linggo sina Cayetano, Romualdez, Senate President Tito Sotto III, Senator Bong Go at ang Pangulo para pagusapan ang pagpapalakas ng gobyerno sa kampanya kontra red tape at korapsyon.
Ayon kay Romualdez, kitang-kita na nalulugod si Pangulong Duterte habang kinakausap nito ng masinsinan si Cayetano bago umalis.
Sinabi na ng kongresista na tumatango pa nga ang Presidente na isang malinaw na indikasyon na nais ng Ehekutibo na ituloy ng Speaker ang mga pangunahing legislative agenda ng palasyo.
Dagdag pa ni Romualdez, maging ang mayorya ng mga myembro sa Mababang Kapulungan ay masaya sa ilalim ng pamunuan ni Cayetano dahil maraming mga batas ang naaprubahan sa kabila ng hamong kinakaharap dahil sa COVID-19 pandemic.
Matatandaan na nito lamang Biyernes ay sumiklab ang “word-war” sa pagitan nila Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte at Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves kaugnay sa hindi patas na distribusyon ng infrastructure funds sa mga distrito na sinasabing maaaring makaapekto sa term-sharing agreement sa Speakership sa pagitan ni Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.