Deputy Speaker Paolo Duterte, nagbanta na ipapadeklarang bakante ang Speakership post

1047

Kinumpirma ni Deputy Speaker Paolo Duterte na nagpadala siya ng mensahe sa mga kapwa kongresista kung saan nagbabala ito na ipapadeklara niyang bakante ang Speakership post.

Ito ay bunsod na rin ng girian ng ilang mga kongresista sa hindi pantay na alokasyon para sa infrastructure projects sa mga distrito sa 2021.

Sa viber message na ipinadala sa mga mambabatas, nagbanta si Duterte na aatasan niya ang Mindanao Bloc ngayong araw na ideklarang bakante ang pwesto ng Speaker at Deputy Speakers.

Pero paglilinaw ng kongresista, ang kanyang ipinadalang mensahe ay pagpapahayag lamang ng kanyang pagkadismaya sa nangyayaring banggaan dahil sa isyu sa infrastructure projects kung saan ilang mambabatas na rin ang kumausap sa kanya tungkol dito.

Ito rin aniya ang mensahe na ipinadala niya sa isang Visayan Congressman matapos na kaladkarin ang kanyang pangalan sa naturang isyu.

Magkagayunman, nilinaw ni Duterte na hindi siya makikisawsaw pa sa isyu ng mga kasamahan bilang delicadeza na rin dahil siya ay anak ng Presidente.

Sakali mang magdesisyon ang mga kongresista na kumilos para magpalit ng Speaker bunsod ng kanilang mga sentimyento ay sinabi ni Duterte na tatanggapin niya ang consequence dahil kasama rin siya sa mga matatanggal bilang Deputy Speaker.




Facebook Comments