Meat Vendors sa Cauayan City, Hindi pa Nakakabawi mula sa Pagkalugi

Cauayan City, Isabela- Hindi pa umano nakakabawi mula sa pagkalugi ang mga nagtitinda ng karne ng baboy sa Lungsod ng Cauayan.

Ito ang naging pahayag ni Ginoong Boyet Taguiam, Presidente ng meat section sa pribadong pamilihan ng Siyudad sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon kay Taguiam, bagamat marami na ang supply ng baboy ngayon, hirap pa rin aniya silang makapagbenta dahil mas tinatangkilik pa rin ng mga mamimili ang frozen meat.


Malaki din aniya ang impak ng mga ‘Talipapa’ sa bentahan ng karne ng baboy sa loob ng private palengke subalit naiintindihan naman umano ito ni Taguiam dahil pare-pareho lamang aniya silang naghahanap buhay.

Pero, inihayag ni Taguiam na kung makokontrol ang supply at presyo ng mga frozen meat ay may tiyansa na makakabawi ang mga meat vendor sa naturang pamilihan.

Sa kasalukuyan, naglalaro pa rin sa P280 hanggang P300 ang kada kilo ng karneng baboy sa private palengke.

Ibinahagi rin ni Taguiam na nagkakaroon ng bahagyang pagtaas sa presyo ng karneng baboy sa tuwing Christmas season.

Gayunman, umaasa pa rin si Taguiam na makakabawi ng kaunti ang mga meat vendors ngayong papalapit na ang peak season.

Samantala, nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng karne ng manok sa pribadong pamilihan sa Lungsod kung saan mabibili na ngayon sa P170 ang per kilo mula sa dating presyo na P150 hanggang P160 pesos kada kilo.

Nasa P170 na rin ngayon ang isang kilo ng Bangus mula rin sa dating presyo na P150-P160 kada kilo; nananatili pa rin sa P120 hanggang P130 sa Tilapia; P180 per kilo sa Galunggong; P140 per kilo sa Salmon; P350 per kilo sa Pampano; P140 per kilo sa Pusit at umaabot naman sa P480 ang kada kilo ng hipon.

Facebook Comments