Cauayan City, Isabela- Personal na iginawad ni 5th Infantry Division Commander, MGen Laurence E Mina ang Wounded Personnel Medal o Medalya ng Sugatang Magiting sa apat (4) na sundalong nasugatan sa nangyaring engkuwentro kamakailan sa barangay Capellan, City of Ilagan, Isabela.
Ang apat na sugatang tropa ng 95th Infantry Battalion ay kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Melchor F Dela Cruz Station Hospital, Upi, Gamu, Isabela.
Matatandaan noong August 13, 2021, tumugon ang kasundaluhan ng 95IB sa natanggap na impormasyon mula sa mga mamamayan kaugnay sa presensya ng mga makakaliwang grupo na nangingikil sa kanilang lugar na nagresulta sa sagupaan ng magkabilang panig.
Sa nangyaring bakbakan, nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang apat na mga sundalo habang posible namang mayroon din sugatan sa panig ng mga nakalabang rebelde batay na rin sa mga bakas ng dugo na naiwan sa kanilang pinag pwestuhan.
Matapos ang engkwentro, nakarekober ang kasundaluhan sa pinangyarihan ng engkwentro ng mga matataas na kalibre ng armas, at mga gamit ng mga nakasagupang NPA.
Sa kasalukuyan, nasa stable na ang kalagayan at nagpapagaling na sa 5ID station hospital ang apat na sundalong Wounded in Action (WIA).
Pinuri naman ni MGen. Mina ang apat na sundalo dahil sa ipinakitang katapangan at sakripisyo para sa taong bayan.