Malaking ang maitutulong ng media para maidulog sa mga otoridad at kinauukulang ahensya ang mga krimen o mga kaso ng pang-aabuso sa mga bata.
Ito ang iginiit ng mga child rights advocates sa ginaganap ngayong Media Training on Covering Child Rights in the Philippines.
Ipinakita ni Atty Cecille Latuño, program manager ng adhikain para sa karapatang pambata ang trauma na dinaranas ng mga bata na nabibiktima ng ibat ibang krimen lalo na ng rape.
Ayon kay Atty Latuńo, maraming mga bata ang hindi na nabibigyan ng hustisya dahil takot magsumnong o walang lakas para lumaban.
Bukod dito ay iginiit din ni Latuño ang kahalagahan na maitaas sa edad 16 mula sa kasalukuyang dose anyos ang edad ng biktima para pumasok ang kaso bilang statutory rape.
Umaasa naman si Atty Rey Inciong ng Inter-Agency Council Against Trafficking na makakatulong ang media para makita ang kakulangan sa mga umiiral na batas para mabigyang-proteksyon ang karapatan ng mga kabataan.
Tinalakay din ni Atty Inciong ang iba’t-ibang batas at mga kakulangan o dapat ditong amyendahan para maging epektibo.
Ang ginaganap ngayong media training ay inorganisa ng educo na isang global development non government organization katuwang ang KBP o Kapisanan ng mga brodkaster sa Pilipinas.