Media, may magagawa para mailutang ang mga kakulangan para hadlangan at tugunan ang pag-abuso sa mga bata

 

Kinikilala ng United Nations Children’s Fund o  UNICEF Philippines ang kahalagahan ng media para mailantad ang mga kakulangan sa pagbibigay proteksyon sa kapakanan at karapatan ng mga bata.

 

Ito ang binigyang-diin ni UNICEF Philippines Child Specialist Atty. Maria Margarita Ardivilla sa media training na inorganisa ng global development NGO na EDUCO katuwang ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas.

 

Ayon kay Atty Ardivilla, ang media ay nagsisilbing daan para maipakita na may butas ang mga batas para sa child protection, hindi sapat ang mga lisensyadong social worker, kulang ang koordinasyon sa pagitan ng mga komunidad, gobyerno, private sector at mga NGOs.


 

Samantala, iginiit naman ni Commission on Human Rights Development Management Officer Ma. Victoria Bing Salazar Diaz ang pagkontra sa panukala na ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang kinse anyos.

 

Paliwanag ni Diaz, hindi ito solusyon sa mga bata na nakagagawa ng paglabag sa batas o tinatawag na children in conflict with the law.

 

Katwiran pa ni Diaz, ang umiiral ngayon na 15-anyos na minimum age of criminal responsibility ay nakabase sa mga pag-aaral at may siyentipikong basehan patungkol sa development ng pag-iisip ng mga bata kung kelan may kakayahan na ang mga ito na magdesisyon base sa tama at mali.

Facebook Comments