Nagbabala ang grupong Medical Action Group kay House Speaker Lord Allan Velasco na huwag gamitin ang COVID 19 vaccine para sa pagpapabango ng pangalan.
Ito ay matapos sabihin ni House Secretary General Dong Mendoza na prayoridad ni Velasco na mapabakunahan ang may 8,000 miyembro at kawani ng Mababang Kapulungan sa oras na maging available na ang COVID 19 vaccine sa gitna na rin ng paglobo ng kaso sa Kamara.
Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, nakakatakot ang ganitong mga pahayag dahil maaari talagang mangyari ang disenfranchisement sa oras na dumating na sa bansa ang COVID 19 vaccines.
Naniniwala si Fajutana na posible umanong mauuna sa bakuna ang mga congressman at kanilang mga staff lalo at sila ang may hawak ng budget.
Umapela naman ang grupo kay Galvez na tiyakin ang transparency sa pamamahagi ng COVID 19 at unahin dapat ang vulnerable sector.
Nagbabala rin ang grupo laban sa paggamit ng mga mambabatas sa bakuna para bumango ang kanilang pangalan para sa 2022 election.