Medical clinic na pag-aari ng isang Chinese national, ipinasara ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque

Ipinasara ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque ang isang medical clinic na pagmamay-ari ng isang Chinese national sa Barangay Baclaran.

Ayon kay Parañaque City Business and Permit and Licensing Office (BPLO) Chief Atty. Melanie Malaya, kanyang ipinasara ang naturang medical clinic na mina-manage ng isang Chinese doctor na matatagpuan sa 3985 Lt., Garcia St., panulukan ng Airport Road, Barangay Baclaran, Parañaque City.

Sinabi ni Malaya na may paglabag ang medical clinic dahil ‘di-umano’y nag-ooperate ito ng walang kaukulang business permit na dapat nilang kunin sa Lokal na Pamahalaan.


Bago pa man tuluyang maipasara ang naturang medical clinic ay binisita ito ng mga tauhan ng pinagsanib na pwersa ng BPLO at City Health Office (CHO) upang magsagawa ng inspeksyon at nang wala itong maipakitang dokumento na legal ang kanilang pagpapatakbo, agad na ipinatupad ang closure order laban dito.

Napag-alaman pa na hindi mga Pilipino ang mga nagtutungo para magpatingin sa naturang medical clinic kundi mga pasyente at kliyente nito ay pawang mga Chinese nationals din.

Sasampahan naman ng kaukulang kaso ang hindi pa pinapangalanang may-ari ng clinic kung saan nagbabala ang Lokal na Pamahalaan sa ibang negosyante na siguraduhing nakakuha muna ng permit sa kinauukulan bago magsimula ng negosyo sa Lungsod ng Parañaque.

Facebook Comments