Dumating na sa bansa ang tatlong medical experts mula sa Ministry of Health ng Israel para suportahan ang laban ng Pilipinas sa COVID-19.
Mainit na sinalubong ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. sina Dr. Avraham Ben-Zaken, Dr. Adam Segal, at Dr. Dafna Segol.
Ayon kay Galvez, ang Israeli medical team ay magkakaroon ng consultation meeting sa ilang top medical experts ng Pilipinas para ibahagi ang kanilang epektibong istratehiya sa vaccine deployment, cold chain at logistics practices, at data management at reporting.
Bibisitahin din ng Israel medical team ang vaccination sites ng bansa.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Galvez na mapapalakas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna at makakatulong na maabot ng bansa ang herd immunity sa katapusan ng taon.
Magtatagal ang Israel medical team sa bansa mula June 20 hanggang 25.
Isa ang Israel sa mga bansa na binawi na ang outdoor face mask policy matapos mabakunahan ang mayorya ng populasyon nito.