MEDICAL MISSION SA ISANG BARANGAY SA BAYAMBANG, NAUWI SA GULO; PAGSUNOD SA MGA UMIIRAL NA PROSESO, IGINIIT NG LGU

Iginiit ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang maayos na pakikipagkoordina sa mga isasagawang aktibidad matapos ang insidenteng naganap sa isang medical mission sa Barangay Bani noong September 14, 2026.

Nauwi umano sa tensyon ang naturang aktibidad matapos hindi naging ganap ang koordinasyon ng organizers sa lokal na pamahalaan ng Bayambang at mga opisyal ng barangay.

Ayon sa LGU, habang isinasagawa ang medical mission sa naturang barangay ay may pumasok na lasing na lalaki at kalaunan ay nauwi sa gulo.

Wala namang naiulat na nasaktan ngunit nagdulot umano ito ng pangamba sa mga residente.

Dahil dito, muling ipinaalala ng LGU-Bayambang ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon bago magsagawa ng anumang proyekto para masiguro ang seguridad ng mga dadalo.

Nilinaw naman ng LGU na hindi nito layuning hadlangan ang mga aktibidad para sa mga residente. Gayunman, nais nitong matiyak na ang bawat aktibidad ay may sapat na paghahanda sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente.

Mariing pinaalalahanan ang mga organisasyon, grupo, ahensya, pribadong indibidwal at iba pang organizers na makipag-ugnayan muna sa concerned barangay at LGU, at tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang permit, clearance at authorization bago magsagawa ng anumang aktibidad.‎ | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments