Hindi pa man tuluyang nakakabangon mula sa epekto ng pagbaha dulot ng habagat, panibagong pagsubok ang kinaharap ng isang pamilya matapos masunog ang kanilang tahanan sa Barangay Quesban, Calasiao
Nasunog ang bahay ng mag-asawang senior citizen na sina Aurelina Fernandez, 69, at Willie Fernandez, 72, kung saan halos lahat ng kanilang ari-arian ay natupok ng apoy.
Maging ang mga dingding at pader ng kanilang kuwarto hanggang sa bubong ay hindi nakaligtas sa nagngangalit na apoy.
Ayon kay Aurelina, tanghaling tapat nitong Setyembre 15 nang mangyari ang insidente. Nasa labas lamang sila ng kanilang bahay nang marinig niya ang sigaw ng isang kapitbahay na nagsasabing nasusunog ang kanilang tahanan.
Sinubukan pa umano niyang pumasok upang mailigtas sana ang mahahalagang dokumento, ngunit hindi na niya ito nagawa matapos bumalandra sa kaniyang harapan ang malaking apoy.
Anim na katao ang kasalukuyang nakatira sa bahay, kabilang ang mag-asawa, kanilang dalawang anak at dalawang apo.
Malaking pasasalamat naman ni Aurelina na nangyari ang sunog sa araw, dahil kung gabi ito sumiklab, mas mahihirapan umano silang makalikas at maaaring malagay sa panganib ang buhay ng buong pamilya.
Ayon kay FSINSP Arlyn Diwag ng Bureau of Fire Protection-Calasiao, nakatanggap sila ng tawag bandang 11:57 ng umaga hinggil sa sunog sa nasabing barangay.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero at idineklarang fire out ang insidente bandang 12:29 ng tanghali.
Tinatayang nasa ₱25,000 ang halaga ng mga ari-ariang nasira sa insidente.
Muling nagpaalala ang BFP sa publiko na regular na suriin ang mga saksakan at siguraduhing nabubunot ang mga kagamitang de-kuryente kapag hindi ginagamit.
Pinaalalahanan din ang mga residente na huwag iwanang walang bantay ang mga kalan habang ginagamit upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring humantong sa sunog.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng BFP Calasiao upang matukoy ang tunay na pinagmulan ng sunog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










