Inihanda na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Medical Reserve Force para tumulong sa ikinakasang pagbabakuna sa Metro Manila.
Ide-deploy ito ng PNP sa oras na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila bilang na tulong na rin upang hindi maabala ang vaccination program ng bawat lokal na pamahalaan.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, hangad nila na matulungan ang bawat Local Government Units (LGUs) sa ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19 lalo na’t target ng Metro Manila Council (MMC) na maturukan ang nasa 250,000 indibidwal kada araw sa loob ng dalawang linggo habang naka-ECQ ang NCR.
Nais ng opisyal na masigurong magiging maayos, mabilis at ligtas ang bakunahan sa buong Metro Manila habang ito’y nasa ilalim ng ECQ.
Inatasan na rin ni Eleazar ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na maghanda ng mga tauhan sakaling kailanganin ng karagdagang tulong sa pagbabakuna gayundin ang iba pang assets ng PNP para sa paghahatid naman ng bakuna sa ibang lugar.
Maging ang mga commander ng iba’t ibang istasyon ng pulis ay una na ring sinabihan ni Eleazar na makipag-ugnayan sa mga local government official partikular sa mga opisyal ng barangay para pag-usapan ang proseso sa pagbabakuna.