Mekanismo sa isasagawang Phil-China investigation sa Recto Bank incident, ilalatag sa cabinet meeting

Bukas ang Department of Justice (DOJ) sa panukalang third party inquiry sa Recto Bank incident sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, maaari nilang isama sa proposed Philippines-China investigation ang third party upang magsilbing facilitator.

Pero para sa kalihim, kung kaya naman na resolbahin ang isyu sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi na kinakailangan pa ng third party.


Sinabi ni Guevarra na sa Lunes ay nakatakdang magkaroon ng gabinete meeting kung saan dito pag-uusapan ang mekanismo kung paano isasagawa ang joint marine inquiry.

Kasabay nito, ipinaliwanag ni Guevarra na mahalaga ang joint investigation upang tanggapin ng China ang anumang magiging resulta.

Mas tututukan din aniya ng gobyerno ang dahilan kung bakit tinakbuhan at hindi tinulungan ng Chinese vessels ang mga mangingisdang Pinoy.

Sa ngayon ay hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang preliminary reports ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy kaugnay sa Recto Bank incident.

Facebook Comments