
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tututukan din ng pamahalaan ang mental health ng mga estudyanteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa pangulo, may nakahandang programa ang Department of Health (DOH) upang matulungan ang mga mag-aaral na makabangon sa matinding takot at trauma.
Hiningi rin ng pangulo ang tulong ng mga guro na bantayang mabuti ang kalagayan ng kanilang mga estudyante dahil may mga batang hindi agad naipapakita o naipahahayag ang kanilang pinagdaraanan matapos ang sakuna.
Kaugnay nito, sasailalim din sa karagdagang pagsasanay ang mga guro upang mas madaling matukoy at matulungan ang mga estudyanteng nakararanas ng trauma, stress at iba pang epekto ng kalamidad.
Giit ng pangulo, mahalagang matugunan hindi lamang ang pisikal na pinsalang dulot ng lindol kundi maging ang mga sugat na hindi nakikita, lalo na sa mga kabataang biktima ng sakuna.
