
Tukoy na ang ilang mga personalidad na nasa likod ng banta sa Senado.
Ito ang sinabi ni Acting Senate President at Senate President pro-tempore Win Gatchalian matapos na makatanggap ng intelligence report na may security threat sa mataas na kapulungan.
Ayon kay Gatchalian, may ilang personalities na tinukoy ang National Bureau of Investigation (NBI) na posibleng nasa likod ng umano’y paglusob sa Senado.
Gayunman, tumanggi ang senador na pangalanan ang mga ito dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Samantala, taliwas sa naunang sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na hindi sila nasabihan tungkol sa banta, sinabi ni Gatchalian na naabisuhan ang lahat ng opisina ng mga senador tungkol sa banta nang magisyu ng memo tungkol sa ipatutupad na heightened security.
Naunang sinabi ni Cayetano na hindi sila nasabihan ukol sa security threat at kadududa-uda aniya ang ulat dito dahil nanggaling sa NBI ang impormasyon gayong ang ahensya ang umano’y unang nanggulo sa mataas na kapulungan.










