MERALCO, may paalala sa kanilang mga kliyente hinggil sa paggamit ng kuryente ngayong panahon ng El Niño

Pinaalalahanan ng Manila Electric Company (MERALCO) na dapat bantayan ng publiko ang kanilang konsumo sa kuryente lalo’t inaasahan ang mas mainit na panahon ngayong umiiral ang El Niño Phenomenon.

Ang pahayag ng MERALCO ay makaraang ianunsyo nito ang .08 sentimos kada kilowatt hour na umento sa kanilang singil para sa buwan ng Enero.

Ayon sa MERALCO, mainam na maging masinop ang bawat kabahayan sa paggamit ng mga appliance at iba pang kagamitang kumokonsumo ng kuryente.


Idagdag na rin diyan ang peligrong dulot ng hindi maayos na paggamit ng kuryente kasabay ng mainit na panahon dahil maaari itong pagmulan ng sunog.

Kaya naman payo ng MERALCO, hugutin sa saksakan ang mga appliance na hindi ginagamit, limitahan ang paggamit ng plantsa at regular na linisin ang mga filter ng kanilang aircon gayundin ng kanilang mga electric fan.

Mas mainam din kung gagamit ng LED bulb sa mga kabahayan dahil napatunayang bukod sa mas maliwanag ito kumpara sa mga pangkaraniwang bumbilya, mas mahina rin ang konsumo nito sa kuryente.

Facebook Comments