Meralco, nagpadala na ng explanation letters sa 4.1 million customers nito

Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na natapos na ng Manila Electric Company (Meralco) ang paghahatid ng personalized letters sa 4.1 million customers nito kung saan ipinapaliwanag ang biglang paglobo ng kanilang singil sa kuryente.

Sa sulat na ipinadala kay Energy Secretary Alfonso Cusi, sinabi ni Meralco President and Chief Executive Officer Ray Espinosa na mas madaling maiintindihan ng mga customer ang kanilang natanggap na May at June bills sa explanation letter na kanilang ipinadala.

Sinabi ni Espinosa na nagtalaga na sila ng ‘virtual agents’ sa ilang Bayad Center outlets sa loob ng kanilang franchise area kung saan maaaring makausap ng customer ang kanilang empleyado sa pamamagitan ng computer set-up.


Nagdagdag sila ng mga tauhan para sagutin ang ilang reklamo sa kanilang digital channels gaya ng email, Facebook, at Twitter.

Paglilinaw ni Espinosa na walang convenience fees na ipinapataw sa online payments hanggang sa katapusan ng General Community Quarantine (GCQ) bilang panawagan ng mga mambabatas at regulators.

Pinayuhan naman ni Cusi ang Meralco na maglabas ng electricity bills batay sa actual meter readings.

Inabisuhan aniya sila ng Meralco na naglalabas sila ng advisories kung saan ipinapaliwanag ang May at June billing sa pamamagitan ng sulat, social media at print media.

Facebook Comments