Hindi makapaniwala ang isang ina sa Washington nang madiskubre niyang inilipat sa banyo ang lamesa ng anak niyang mayroong autism.
Ito ang naging tugon ng Whatcom Middle School sa kahilingan niyang bigyan ang 11-anyos na anak ng tahimik na lugar para makapag-aral nang maayos.
Sa Facebook ni Danielle Goodwin, ibinahagi niya ang larawan ng lamesa at upuan ng anak na si Lucas na nakalagay malapit sa lababo ng banyo.
Dagdag niya, mayroon ding camping mat at unan sa sahig ng banyo para idlipan ng estudyante.
Sinubukan din nila umanong makiusap kung puwedeng sa library na lang pumuwesto ang kanyang anak, pero tumanggi ang guro na nangatwirang hindi naman na ginagamit ang banyo.
Sa KOMO News, sinabi ni Goodwin na bukod sa autism, mayroon ding auto immune disorder si Lucas at iginiit na hindi magandang ideya ang gumawa sa banyo.
Wala na raw balak pang bumalik ang bata sa Whatcom dahil sa naranasang kahihiyan.
Dumepensa naman si Bellingham Public School Superintendent Greg Baker na nagsabing hindi na ginagamit bilang banyo ang lugar at walang sapat na pasilidad at pondo para pagbigyan ang estudyante.
Nasa proseso na ng pagsasampa ng kaso ang pamilya, ayon sa ulat ng CNN.
Sinabi rin ng abogado ng mga Goodwin na “weird” ang ginawa ng eskwelahan at marami naman umanong alternatibong solusyon sa problema.