Metro Manila Council, nanawagan sa pribadong tanggapan na ipagpaliban muna ang Christmas Party; Curfew sa NCR, pinaigsi para sa mga magsi-simbang gabi

Nanawagan ang Metro Manila Council (MMC) sa mga pribadong tanggapan na ipagpaliban muna ang pagdaraos ng Christmas Party.

Ayon kay Parañaque City Mayor at MMC Chairman Edwin Olivarez, mahigpit na ipinagbabawal ang nasabing gathering lalo na’t ang National Capital Region (NCR) ay nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine (GCQ).

Iginiit ni Olivarez na sakaling magkaroon ng ganitong uri ng pagtitipon ay dapat na limitahan lamang sa 10 ang mga dadalo.


Samantala, bagama’t maaaring nang lumabas at magtungo ang mga bata sa mall basta’t may kasamang magulang, ipinaalala ni Olivarez na dapat sundin pa rin ang mga umiiral na protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Bukod dito, paiigsiin na rin ang curfew hour sa Metro Manila upang bigyang daan ang pagsasagawa ng simbang gabi bago ang araw ng kapaskuhan.

Nabatid na napagkasunduan ng Metro Manila Council na ipatupad ang curfew hour mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw.

Pero sinabi ni Olivarez na kailangan munang hintayin ng publiko ang ilalabas na amiyenda sa naunang ordinansa hinggil sa curfew hour.

Facebook Comments