METRO MANILA SUBWAY PROJECT | Partial operation, posibleng makamit sa 2022

Manila, Philippines – Kumpiyansa ang Department of Transportation (DOTr) na
kayang makamit ang target na partial operation ng unang phase ng Metro
Manila Subway Project sa 2022.

Partikular ang tatlong istasyon ng Mindanao-Quirino Highway, Tandang Sora
at North Avenue.

Ang pahayag ng DOTr ay kasunod ng paglagda na sa kasunduan ng Pilipinas at
Japanese government sa 104.53 billion yen loan agreement para sa
konstruksyon ng unang phase ng Subway Project.


Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, ang loan na 104.53 billion
yen o humigit-kumulang sa 934.75 million dollars ay kumakatawan sa unang
tranche ng kabuuang 573.73 billion yen o 259.6 bilyong piso na ipinangako ng
Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa unang bahagi ng
proyekto.

Ang unang bahagi ng Metro Manila Subway ay mula sa Mindanao Avenue sa
Quezon City patungo sa Food Terminal Inc. sa Taguig City, hanggang Ninoy
Aquino International Airport .

Kabilang dito ang pagtatayo ng Underground Railway na aabot ng 30 kilometro
sa 14 na istasyon na inaasahang makukumpleto ng 2025.

Ang kabuuang pondo para sa first phase ng Subway Project ay 788.89 billion
yen o P356.96 billion pesos.

73 porsiyento nito ay popondohan ng JICA na hahatiin sa 3 hanggang 4 na
tranche habang ang natitirang 27 percent o 215.16 billion yen o 97.35
bilyong piso ay aakuin ng gobyerno.

Facebook Comments