Ayon kay 4Ps Regional Information Officer Michael Gaspar, ang proseso ng pagtukoy ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NTHS-PR) o mas kilala bilang Listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan nagsasagawa ito ng pagtatasa o household assessment sa mga mahihirap na pamilya sa pamayanan.
Nilinaw rin ni Gaspar na hindi basta-basta inaalis ang mga benepisyaryo ng programa dahil may mga kondisyon ang programa sa pag-alis ng kanilang pangalan.
Ang 4Ps ay programa ng gobyerno na tumataya sa kalusugan at edukasyon ng mga batang edad 0-18 taong gulang mula sa mga pamilyang nasa laylayan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng cash grants upang matulungan silang makatawid mula sa kahirapan.
Sa pag-igting ng kampanyang “Bawal ang Epal” ng Field Office II, hinihikayat ang mga benepisyaryo na maghain ng report kung mayroon mang mga pulitiko na gumagamit ng mga programa ng ahensya para sa kanilang mga politikal na interes.
Alinsunod sa DILG Guidelines at COMELEC Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang direkta at hindi direkta na partisipasyon ng mga kandidato sa eleksyon sa mga payout na isinasagawa ng DSWD.