Mga aberya sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo, pinuna ni Senator Gatchalian

Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na iprayoridad ang automation sa pag-reimburse ng matrikula at iba pang mga bayarin ng mga pambublikong kolehiyo at pamantasan.

Ito ay upang maging mas maayos ang pagpapaptupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na kilala rin bilang Free College Education Law.

Ayon sa CHED, nasa 80-porsyento na ng State at Local Universities at Colleges o SUCs ang nabayaran para sa ikalawang semestre ngayong taon, pero may 12 porysento pa rin sa mga paaralang ito ang hindi pa nababayaran.


Idinahilan ng CHED, na hindi pa naisusumite ng mga paaralang ito ang mga kinakailangang dokumento para makumpleto ang bayad sa kanila.

Nangangamba si Gatchalian, na maapektuhan ang operasyon ng mga SUCs at LUCs kung patuloy na maaantala ang reimbursement ng tuition at miscellaneous fees, bagay na mareresolba sana kung automated ang pagproseso sa mga naturang dokumento.

Tinukoy din ni Gatchalian ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS na kung hindi agad maibigay sa mga SUCs at LUCs ang kanilang mga reimbursement, ay maaaring maipasa sa mga estudyante ang mga gastusin ng mga paaralan.

Facebook Comments