Mga Accomplishments ni Mayor Bernard Dy, Ibinida sa Huling SOCA

Cauayan City, Isabela- Sa huling termino ni Cauayan City Mayor Bernard Dy, ay ibinida at ipinagmamalaki nito sa mga Cauayeño ang kanyang mga nagawa o accomplishments sa pamamagitan ng kanyang panghuling State of the City Address kahapon na ginanap sa Isabela Convention o ICON sa brgy San Fermin, Cauayan City.

Kasabay ng selebrasyon ng ika-21 anibersaryo ng Lungsod ng Cauayan, ibinahagi ni Mayor Bernard Dy sa kanyang SOCA ang mga natapos at nagpapatuloy nitong mga proyekto at programa.

Ilan sa mga tinalakay ng alkalde ay tungkol sa kanyang nagawa pagdating sa social services, pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga Cauayeño sa panahon man ng kalamidad at ngayong pandemya, mga programa para sa mga PWDs at Senior citizen maging sa mga centenarian, pagtulong sa mga MSMEs at mga natanggap na parangal.

Ibinahagi rin ni Mayor Dy ang kanyang mga proyekto pagdating sa imprastraktura gaya ng pagpapatayo ng ICON center, crematorium, isolation facilities bilang pagtugon sa covid 19 at tungkol sa road development projects, mga nagawa at ginagawang tulay sa Lungsod.

Kasama rin sa kanyang ibinida ang mga nagawa sa Environmental sectors tulad ng pagsasagawa ang iba’t- ibat pagsasanay gamit ang mga materyales na makakabawas sa basura sa Lungsod at ang proyektong Basura mo, Kapalit ay Bigas na kung saan ay mapapakinabangan pa ang mga non- biodegradable waste sa paggawa ng eco bricks.

Ikinatuwa at pinuri din ng alkalde ang naging performance ng Lungsod pagdating sa Covid vaccination dahil sa ngayon ay mayroon ng mahigit isang daang katao sa Lungsod ang nabakunahan na habang nasa 10k naman ang nakatanggap na ng booster shot.

Bagamat mababa na lamang ang mga naitalang kaso ng covid sa Lungsod ay patuloy pa rin ang panawagan ng alkalde sa mga unvaccinated individuals na huwag matakot magpabakuna kundi magtungo na sa mga vaccinations sites at magpabakuna.

Naging emosyonal naman sa kanyang panghuling mensahe sa SOCA si Mayor Dy at pinasalamatan nito ang lahat ng mga Cayayeñong nagtiwala sa kanya mula nang siya ay maupo bilang alkalde maging ang ISU Cauayan Campus at JCI dahil kung hindi aniya sa kanilang tulong at suporta ay hindi makikilala ang Cauayan bilang isang smarter City.

Samantala, tiwala naman si Mayor Bernard Dy na maipagpapatuloy ng susunod na mauupong alkalde ng Cauayan ang kanyang mga nasimulang proyekto para lalong mapabuti ang Lungsod ng Cauayan.

Sa siyam (9) na taon aniya nitong panunungkulan bilang ama ng Lungsod ng Cauayan ay tiwala siya na nagawa nito lahat ng kanyang makakaya at napabuti ang Lungsod na ngayon ay kinikilalang Ideal City of the North.

Facebook Comments