Negatibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga alagang baboy na sumailalim sa surprise blood sampling sa Mapandan, Pangasinan, batay sa resulta na inilabas ng Regional Animal Diagnostic Laboratory Region 1.
Sa inilabas na ulat, sinabi na ang 19 specimen na nakolekta mula sa mga alagang baboy ng hog traders ay negative sa ASF viral DNA, na nangangahulugang walang bakas ng naturang sakit sa mga nasuring hayop.
Isinagawa ang surprise blood sampling noong Pebrero 18 ng Provincial Veterinary Office katuwang ang Bureau of Animal Industry sa ilalim ng Department of Agriculture – Regional Field Office I bilang bahagi ng mahigpit na pagbabantay laban sa pagpasok ng ASF sa lalawigan.
Ayon sa mga opisyal, ang resulta ng pagsusuri ay patunay na ASF-free ang mga nasuring baboy sa bayan, at patuloy ang kanilang monitoring upang mapanatiling ligtas ang industriya ng pagbababoy sa lugar.








