Mga asawang lalaki na “ander de saya” at mga LGBTQ+ members, pinabibigyan na rin ng proteksyon laban sa domestic violence

Pinabibigyan na rin ng proteksyon laban sa domestic violence ang mga asawang lalaki na “ander de saya” at mga miyembro ng LGBTQ+ community.

Nakapaloob ito sa inihaing House Bill 1365 o “Domestic Violence Act of 2022” ni PBA Partylist Rep. Margarita “Migs” Nograles na layong amyendahan ang sakop ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act kung saan isasama na rito ang mga asawang “ander de saya” at mga LGBTQ+ members na nakakaranas ng pang-aabuso at pangmamaltrato mula sa kanilang mga asawa o partners.

Nakasaad sa panukala na ang domestic abuse ay hindi lamang eksklusibong problema ng mga kababaihan at kabataan dahil maraming kaso ng mga kalalakihan at mga LGBTQ na biktima rin ng mga pang-aabuso sa tahanan.


Isisingit sa batas ang gender-neutral word na “partner” para maisama ang mga lalaki at mga miyembro ng LGBTQ+ sa batas bukod sa mga salitang kababaihan at kabataan.

Layunin din ng panukala na wakasan na ang diskriminasyon at mga pang-aabuso sa loob ng tahanan at makamit ang “inclusive society” kung saan ang lahat ng Pilipino ay malaya at pantay-pantay.

Facebook Comments