Wednesday, March 11, 2026

MGA BABAENG PULIS NG PANG PPO, NAGSAGAWA NG COMMUNITY AT ENVIRONMENTAL ACTIVITIES BILANG PAGGUNITA SA NATIONAL WOMEN’S MONTH 2026

Naglunsad ng magkakahiwalay na programa ang mga babaeng pulis ng Pangasinan sa pagdiriwang ng National Women’s Month 2026.

Sa Capitol Beach Front sa Lingayen, isinagawa ng mga babaeng pulis ng Pangasinan Police Provincial Office (Pang PPO) ang coastal clean-up, kung saan nilinis ang mga basura sa baybayin.

Bukod dito, nagbigay din ng paalala sa publiko ang kapulisan ukol sa tamang pagtatapon ng basura at pangangalaga sa coastal ecosystem.

Ayon sa Pang PPO, alinsunod ang aktibidad sa pagdiriwang ng Women’s Month na may layuning hikayatin ang pakikilahok ng kababaihan sa gawaing pangkalikasan.

Samantala, nagsagawa naman ang Balungao Municipal Police Station ng programang “Balik Sigla Kalsada Aral Patrol” sa Barangay San Marcelino, Balungao.

Ayon sa ulat, ibinahagi sa mga kabataan ang storytelling, educational sessions at interactive activities tungkol sa kaligtasan, tamang asal, disiplina at pag-iwas sa krimen.

Namahagi rin ang pulisya ng tsinelas, educational materials at pagkain sa mga dumalo.

Ayon sa Balungao PNP, layunin ng programa na magbigay ng impormasyon sa kabataan at palakasin ang ugnayan ng pulisya sa komunidad.

Sa nakaraang taon, nagsagawa rin ang kapulisan ng mga community programs tulad ng feeding programs, clean-up drives at road safety campaigns, kabilang ang paggamit ng reflectorized vest sa gabi para sa kaligtasan ng mga motorista at commuter.

Ang mga aktibidad ay bahagi ng serye ng mga programang inilunsad ng kapulisan sa Pangasinan ngayong National Women’s Month 2026. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments