Bilang bahagi ng safety measures ng Korte Suprema laban sa COVID-19, muli nilang ipinapaalala sa mga bagong abogado na tutungo sa Mataas na Hukuman na kailangang sumalang sa rapid testing.
Nabatid na magpapatuloy ngayong araw ang pagdating sa Korte Suprema ng mga bagong abogado na pipirma sa Roll of Attorneys na matagumpay na nakapasa sa 2019 Bar Examination at nakapanumpa na sa pamamagitan ng Online Oath Taking.
Nagsimula na ang pagpapalagda sa Roll of Attorneys noong July 6, 2020 at inaasahang tatagal hanggang August 3, 2020.
Sa abiso ng Office of the Bar Confidant, ang mga bar passer na lalagda sa Roll of Attorneys ay kailangang dumating sa Korte Suprema bago mag-10:00 ng umaga sa araw ng kanilang schedule.
Nabatid na ang cut-off time para sa rapid testing ay alas-10:00 ng umaga at wala na itong extension habang nasa ₱650 naman ang bayad at gagawin ang rapid testing sa klinika ng Supreme Court.
Dahil dito, obligadong magtungo ng maaga ang mga pipirma sa Roll of Attorneys sa Korte Suprema para sa rapid testing kahit pa naka-schedule ang mga ito sa hapon.
Pinapayuhan din ang mga bagong abogado na magdala na rin ng kanilang makakain dahil hindi na sila papayagan lumabas ng Korte Suprena matapos ang rapid testing.
Ang Roll of Attorneys ang huling hakbang para maging full-fledged lawyers kung saan ang pagpirma ng personal ay gagawin sa Supreme Court Division Hearing Room pero dapat naka-suot ng pormal na kasuotan at face mask ang mga bagong abogado.