Mga bakunang ginagamit sa COVID-19 clinical trials, hindi pwedeng ibenta sa publiko – FDA

Iginiit ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi maaaring ibenta sa publiko ang mga bakunang ginagamit sa COVID-19 clinical trials.

Ito ang pahayag ng FDA matapos i-anunsyo na ang Chinese vaccine na Sinovac ay nabigyan ng approval para isalang sa clinical trials sa Pilipinas.

Ang clearance ay mula sa Vaccine Expert Panel sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).


Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ang Sinoval ay kailangan pa ng approval mula sa Ethics Board at sa FDA bago ito gamitin sa COVID-19 clinical trials.

“We have to remember that vaccines [to be used on COVID-19 clinical trials] are not registered with FDA. Investigational product pa lang ito, in-eksperimento. Kaya nga tayo nagki-clinical trial kasi pinag-aaralan pa lang natin kung safe at effective ang vaccine,” sabi ni Domingo.

“Hindi siya registered as a product for marketing. Manufacturers cannot promise the safety and efficacy of an investigational product. Iyong pagbebenta ng vaccines na ginagamit sa clinical trial, bawal ‘yan kasi hindi po tayo sigurado kung safe at effective ‘yan,” dagdag ni Domingo.

Sinabi pa ni Domingo, ang mga bakuna na nakasalang sa clinical trials ay ipinagbabawal sa test marketing at pilot selling.

Sa ilalim ng proposed 2021 national budget, naglaan ang pamahalaan ng ₱2.5 billion para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments