Inihalintulad ng Malacañang sa echo o alingawngaw ang paulit-ulit na kritisismo ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Joma Sison sa administrasyong Duterte.
Ito ang banat ng palasyo matapos tawaging “sirang-plaka” ni sison si Pangulong Duterte.
Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malinaw ang intensyon ni Sison na gawin ang kanyang sarili na “politically relevant” sa Pilipinas kaya nag-iingay na naman ito habang tinatamasa ang karangyaan ng pamumuhay sa Europa.
Pinatatagal lang daw ni Sison ang peace process para gamiting gatasan ang sitwasyon at maipagpatuloy ang panghuhuthot sa Netherlands at ma-enjoy ang donasyon mula sa mga socialist organizations.
Bagama’t pinutol na ang peace talks sa CPP-NPA-NDFP. Tuloy naman ang localized peace talks ng gobyerno sa mga rebeldeng grupo.
Nakahanda na rin ang militar na arestuhin ang mga negosyador ng komunistang grupo kasunod ng pagpapawalang-bisa sa hawak nilang safe conduct passes.